REAKSYONG PAPEL

     Ang tekstong isinalin ni Rolando A. Bernales na pinamagatang “Minsan May Isang Doktor”, ay isang kuwento kung saan tayo ay makakapulot ng aral na maaari nating magamit sa ating mga buhay. Ipinapakita nito ang mga hamon at sakripisyo sa buhay ng isang doktor sa paggawa ng kaniyang tungkulin. Sa kabilang banda, nagpapakita rin ito ng kahalagahan ng pagiging matatag sa kabila ng kinakaharap na problema.

     Ang mga problema ay nararanasan ng lahat ng tao, dahil walang tao na perpekto. Babae man o lalaki, bata man o matanda, mayaman man o mahirap, tayong lahat ay may mga problemang kinakaharap. Pero sa kabila nito, hindi dapat tayo gumagawa ng aksiyon na maaaring makasakit sa ating kapwa. Kagaya na lamang ng ama na nasa kuwento, dahil sa nararamdaman niyang labis na pangamba sa kaniyang anak na nasa kritikal na sitwasyon ay napagsalitaan niya nang hindi maganda ang doktor. Kahit na masakit para sa kaniya ang pagdurusa ng kaniyang anak, hindi ganoon ang pakikitungo niya sa doktor, lalo na't hindi niya alam ang sitwasyong kinaharap din ng doktor. Siya ang nagpadalos-dalos sa kaniyang mga aksiyon, at hindi niya inisip ang maaaring maramdaman ng doktor. Sa pagsusuri sa kuwento, ipinapakita rin nito ang katatagan ng isang doktor, dahil sa kabila ng masakit na hamon na kaniyang naranasan, ginawa niya ang buo niyang makakaya para sa kaniyang pasyente. Tunay nga na ang mga doktor ay isa sa mga bayani, dahil sa pag-aalay nila ng kanilang oras, at maging ang kanilang personal na buhay para sa kalusugan at kaligtasan ng iba. Kahit sa mahirap na sitwasyon na kanilang kinakaharap, handa silang magpakasakit para sa kapakanan ng mga taong nangangailangan.

     Sa pagbabasa ng teksto, nakakaramdam tayo ng iba't ibang damdamin at nakakapulot ng maraming aral. Isa na rito ang pagiging matatag sa oras ng pagsubok. Tandaan natin na hindi basehan ang kabigatan o kalakihan ng sarili nating mga problema, sa pakikitungo natin sa ibang tao. Huwag nating husgahan at hindi isaalang-alang ang damdamin ng iba dahil lang sa tingin natin mas mabigat ang mga naranasan natin kaysa sa kanila. Hindi natin alam ang mga ganap sa buhay ng tao, maaaring masaya sila sa tingin natin, pero mas sobra pala ang kinakaharap nila. Kaya palagi nating piliin ang pagiging mabuti, at matuto tayong ilagay ang ating sarili sa sitwasyon ng iba.

     Ang tekstong ito na pinamagatang "Minsan May Isang Doktor” na isinalin ni Rolando A. Bernales, et. al., ay matatagpuan sa pahina 23-24.

Comments